Monday, August 16, 2010

Kumusta po? Ako po si KikayKulit. Walang nang Ms at di naman ako beauty queen hehe. Ako'y makulit. Maliksi. Minsan parang kiti-kiti. Karaniwang mamamayan lang ako. Mahilig nga lang maki-usyoso sa mga bagay-bagay.

Ay mali! Dating gawi yang mag-usyoso. Sa panahon ni PNoy, tayo daw at nakikialam at nakikilahok. 

Teka, may pagkaiba nga ba itong dalang salita? Dun sa state of the nation address (Sona) ni Pnoy, ang mungkahi nya, wag lang daw tayo maki-alam; dapat daw tayong maki-lahok.

Bisaya ako (dugay na sa Maynila, may pagka-tonto pa gihapon!); minsa’y baluktot ang Tagalog. Pero sa wari ko, ang pakikialam ay ang pagpuna. Period. Wala naming masama sa pumuna kung meron ka nga namang nakitang mali. At totoo namang napakadaming ehemplo ng katiwaliang nakikita natin sa araw-araw!

Kaya lang, mas mabuti siguro kung pagkatapos ng puna ay makapagmungkahi tayo ng mga solusyon. Eh kung may naisip nga tayo, bakit naman hindi?

Mas mainam pa, baka namang may mga bagay na pwede na nating gawin. Yung di na kailangang maghintay pa tayo sa mga kawani ng gobyerno. Yung din na kailangang kalampagin pa ng Bayan Mo Ipatrol Mo ang suliranin natin.

O, di ba? Alin ang mas mabuti? Ang magsumbong tayo ng mabaho ang umaapaw na kanal sa harap ng bahay natin, or ang magkusang magyaya sa mga kapitbahay na mag-linis at mag-padala ng litrato o video sa BMPM?

Ay, like ko yan! Makikita ako ng Nanay kong giliw sa TV Patrol! Saka baka dalawin ako ni TJ Manotoc at ni Alex Santos! Ito yata ang tinatawag na makilahok. Kilig!!! Haha. Hindi, seryoso, ang makilahok ay ang kumilos ng kusa. Yung tayo ang mag-volunteer. Para sa panahong maninita na tayo sa maling gawain, pwede nating sabihin na di lang tayo puro angal.

Kayo? Ano sa tingin nyo? Ano ang kaya nyong gawin sa araw araw na makatulong sa pagunlad ng inyong komunidad at sa kapwa nyong mamamayan? Don’t be shy! Magkwento na! Magpadala ng litrato at video! Ipakita ang mga beauty nyo!

Sya, mamaya uli! Ingat sa dengue!