Saturday, February 12, 2011

ANG PAGLILINIS


Bata pa tayo, tinuturuan na kung paanong maglinis ng bahay.
Walis man o feather duster ang gamit, alam nating dapat ipunin ang alikabok at iba pang dumi sa bandang gitna, kung saan nakikita, bago tuluyang dalhin sa dustpan at itambak sa basurahan.
Ilang beses bang nag-sermon si Inang o si Itay laban sa  pagwawalis ng dumi patungo sa ilalim ng kama o sofa, o saan mang sulok na madilim? Ilang beses ba nating narinig na ang ganitong uring paglilinis ay senyales ng katamaran o kakulangan sa pagmamalasakit at pag-galang sa mga kasambahay?
Kaya namang medyo nagulat ako sa titulo na binigay ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa scoop nila – yung mensahe ni Ginoong Angelo Reyes tungkol sa isyung nagtulak sa kanya na mag-suicide.
“A warrior comes clean in last battle for honor”.
 
Ilang beses ko na nabasa ang artikulo. May medya-medyang pangungumpisal. Pero di ko makita kung saang parte ang tungkol sa pagsisiwalat ng dumi sa kabahayan ng sandatahang lakas. At di ko din makita kung saan nakatago si Mr. Honor.
Baka naming galing Mars ang diksonaryo ko. Kasi, sorry, Mr. Reyes, di pa din kita makuha.
Ni di mo man lang maamin kung nakatanggap ka nga ng P50 million na pabaon at yung buwanang P10 million na “allowance.” Nang sana masimulan na ang pag-bawi dito, kung di mo kayang sabihin yan sa pamilya mo.
Sa ordinaryong tao kasi, ang hustisya ay laging may kaakibat ng pagwawasto ng isang krimen o isang di makatarungang sitwasyon.

Si Mr. Reyes na din ang nagsabi: “Honor, truth, but there must be justice. And justice can be served if laws are applied evenly and well – not favoring the rich and powerful.”

Sinabi pa niya: “I hope my case/situation will not be used as something that would bring closure to the issue of military corruption. The fight to reform the system and the entire country must continue; the sad part is that they are selectively targeting individuals and institutions.”

Teka muna, sa paglilinis, maliban na lang kung diwata kang may magic wand, hindi pwedeng biglaang lahatan ang masasakop. Iniisa-isa ang bawat kwarto at sulok, o naghahati-hati tayo sa gawain.
At kung korupsyun at pandarambong ang pinaguusapan, kailangan talagang may matukoy ang mga tao at institusyon.
Eh, nandyan na si Carlos Garcia, na galing sa militar. Nandyan na si Ligot na galing din sa militar. Alangan namang di pa mapansin si Mr. Reyes – pinakamataas na opisyal ng militar ng dating mga pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo, na may asawang sinasabing super close (dati) sa whistle-blower na si George Rabusa at lalo na sa asawa ng makalimutin na si Ligot.
Tama si Ginoong Reyes na di dapat matigil ang paglilinis sa kwarto nya.
Pero sya na din mismo ang nagpahirap sa ating gawain. Dahil sa halip na isiwalat ang lahat na nalalaman nya, piniling magpakamatay.
Gayunpaman, hindi dapat tumigil ang nasimulan nang pagtutok ng ilaw sa mga madidilim na sulok ng military -- at ng buong gobyerno.
 
Dapat lang na walang sasantohin dito. Dapat na tugisin ang mga nanilbihan sa ilalim ni Mrs. Arroyo – at mismo ang kanilang kumander in chief na di naman pwedeng bulag habang kinakamkam ang bilyon-bilyong na dapat para sa kaban ng bayan.
Pero hindi nagsimula o natapos ang pandarambong sa panahon ni Mrs. Arroyo. At ang ibang nakinabang sa katiwali-an ay nanatili pa ding maimpluwensya sa ilalim ng bagong administrasyon. 

Di lang usapin ito ng walang mapiling iba kaya hinayaan na lang ipatuloy ang serbisyo. Ang iba sa kanila ay pinili mismo ng Pangulong Aquino. And iba sa kanila ay tila pinili pa yatang tumulong sa imbestigasyon. Itanong nyo kay Mr. Rabusa. (Pilitin na din sya nating magsabi kung magkano naman ang kinupit nya.)
Kilala na nating itong mga nasa kapangyarihan. Nakita na nating dali-dali nilang winawalis sa ilalim ng aparador itong mga duming nag-labasan na.
Anak ng bwitre. Mabuti na lamang at mas nakaka-alam ang taumbayan sa tamang konsepto ng dangal at hustisya.
Nasa ating mga palad ang tagumpay nitong paglilinis. Wag nating kalimutan yan. Wag natin silang tigilan. Wag tayong magningas-kogon. Wag tayong pag-padala sa pandanggo.
Panahon nang ipakita talaga natin kung sino ang Boss.

1 comment:

  1. Spot on, Kikay. Fe Zamora, Inquirer reporter who covered the defense beat for many years, said hindi niya makita ang "warrior". I said, I cannot see "come clean" kahit ilang beses ko binasa ang 'notes'. I like itwhen you said, "At di ko din makita kung saan nakatago si Mr. Honor."

    ReplyDelete